Trabaho. Pangangailangan ito ng bawat Pinoy breadwinner para buhayin ang sarili at pamilya. Trabaho ang pinagkukuhanan ng panustos sa pang araw-araw na gastusin. Kaya lang, mayroon pa ring malaking suliranin na kailangan tugunan ang ating gubyerno - ang unemployment.
Ayon sa statistics (2nd quarter 2012), ang Pilipinas ngayon ay may 6.9% hanggang 7.2% unemployment rate. Maliit kung titignan ang porsyento, pero ang katumbas nito ay 6.5 milyon katao na walang disenteng trabaho sa kabuuang populasyon na 92 milyon.
Epekto ba ito ng katamaran? O may iba pang mas malalim na dahilan?
Kung tutuusin, likas na masipag at matiyaga ang Pinoy. Kaya natin maghanap ng paraan para kumita at tustusan ang ating pamilya. Ngunit mayroon pa ring nahihirapan makakuha ng trabaho at kumita ng sapat.
Sa tingin ko, ito'y hindi dahil tayo ay tamad.
Madalas ang dahilan ay kulang tayo sa kaalaman at oportunidad.
Dahil dito, mayroong mga institusyon tulad ng TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) na nagbibigay ng training para magkaroon ng oportunidad ang Pinoy. Ang misyon ng TESDA: magbigay ng direksyon, polisiya, at mga programa para sa kalidad na edukasyong teknikal at maiangat ang kakayanan ng bawat Pinoy.
Madalas ito ang mga katanungan ng mga hindi pamilyar sa mga programa ng TESDA...
Trabaho? Ano ang magagawa ng TESDA?
Mula sa iba't-ibang programang pang-edukasyon, ang mga kukuha nito ay magkakaroon ng sapat na kaalaman para makamit ang trabahong gusto nilang pasukan. Kapag nakapagtapos ka, meron ka pang makukuhang certification o patunay na ikaw ay may kalidad na kakayanan. Sa kaalaman na makukuha mo sa TESDA, maari kang magnegosyo, mag-freelance o kaya ay maging empleyado sa isang kumpanya.
Edukasyon? Anu-ano pwede kong kunin?
Sa pamamagitan ng TVET (Technical Vocational Education and Training System), may ibat'-ibang mga programa tulad ng School, Center, Community at Enterprise Based depende sa kurso at trabahong gusto mong makamit. Meron din foreign languages course para sa balak mag-abroad.
Saan ako mag-training ?
Ang TESDA headquarters ay nasa Taguig, Metro Manila. Maari din tayong magpunta sa maraming mga accredited TESDA Learning Centers na nakakalat sa buong bansa. Meron pang Mobile Training Centers ang TESDA! At para sa mga may internet, pwede rin pumasok sa TESDA Online Program na pwede ka rin matuto sa loob ng iyong pamamahay.
Dito sa Pilipinas o sa abroad magtatrabaho?
Dahil kalidad ang makukuha mong edukasyon sa ilalim ng programa ng TESDA, maaari mong magamit ang certification para mas madali makakuha ng trabaho abroad. Marami ring mga kumpanya dito na kinikilala ang TESDA certification.
Ang hirap kung walang pera! Paano na kami?
Mayroong scholarship programs tulad ng Private Education Student Financial Assistance (PESFA) program na kung saan tumutulong ang foreign sponsors para makapagbigay ng sustento sa mga karapat-dapat na aplikante.
Sa tulong ng TESDA, na papunta na sa ika-18 niyang anibersaryo, ang bawat Pinoy ay mabibigyan ng pagkakataon na matuto ng mga bagong kakayahan, magkaroon ng hanapbuhay at umahon sa kahirapan. Sa TESDA, may choice tayong lahat.
Opisyal na TESDA website: www.tesda.gov.ph